Linggo, Hunyo 19, 2011

higit sa dapat maging laman ng isang karaniwang sulat lamang

butzyzk: isang pahabol na pag-bati sa ika- isang daan at limampung taon ng kapanganakan ng pambansang bayani ng Pilipinas.

SA MGA KABABAYANG DALAGA SA MALOLOS*

*Ang liham na ito sa kadalagahan ng Malolos ay sinulat ni Dr. Rizal sa Londres nang ika-22 ng Pebrero, 1889 sa kahilingan o mungkahi ni Marcelo H. del Pilar upang pasiglahing lagi ang hindi nagbabago ni nanlalamig na kalooban ng mga kapanalig nina Dr. Rizal sa ikagagaling at ikatatamo ng kaginhawahan at kalayaan ng mga Pilipino. Ang mga dalagang taga-Malolos ay masasabing natatangi sa kanilang mga kabaro sa layong maimulat ang bayan sa pamamagitan ng pagbubukas ng paaralan sa gabi, at nang sa ganito’y lumaganap sa mga lalawigan ang paniniwalang ang pagsunod at pagyuyuko ng ulo sa mga prayle ay nakasisirang puri, hindi lamang sa mga lalake, kundi, gayundin sa mga babae. Ang sulat na ito, ang wika nga ni Dr. Rizal, ay naglalaman ng higit sa dapat maging laman ng isang karaniwang sulat lamang.

Europa (Pebrero, 1889)
Nang aking sulatin ang NOLI ME TANGERE, itinanong kong laon kung ang pusuang dalaga'y karaniwan kaya diyan sa ating bayan. Matay ko mang sinaliksik yaring alaala; matay ko mang pinag-isa-isa ang lahat ng dalagang nakilala sapul pagkabata ay mangisa-ngisa lamang ang sumaging larawang aking ninanasa.  Tunay at labis ang matamis na loob, ang magandang ugali, ang binibining anyo, ang mahinhing asal; nguni't ang lahat ng ito'y laging nahahaluan ng lubos na pagsuyo at pagsunod sa balang sabi o hiling ng nagngangalang amang-kaluluwa (tila baga ang kaluluwa'y may iba pang ama sa Diyos), dala ng malabis na kabaitan, kababaan ng loob o kamangmangan kaya:  anaki'y mga lantang halaman, sibol at laki sa dilim:  mamulaklak ma'y walang bango, magbunga ma'y walang katas. Nguni at ngayong dumating ang balitang nangyari sa inyong bayang Malolos, napagkilala kong ako'y namali, at ang tuwa ko'y labis.  Di sukat akong sisihin, di ko kilala ang Malolos ni ang mga dalaga, liban na sa isang Emilia, at ito pa'y sa ngalan lamang.

Ngayong tumugon kayo sa uhaw naming sigaw ng ikagagaling ng bayan; ngayong nagpakita kayo ng mabuting halimbawa sa kapwa dalagang nagnanasang paris ninyong mamulat ang mata at mahango sa pagkalugami, sumisigla ang aming pag-asa, inaaglahi ang sakuna, sapagka't kayo'y katulong na namin, panatag ang loob sa pagtatagumpay. Ang babaeng Tagalog ay di na payuko at luhod, buhay na ang pag-asa sa panahong sasapit, wala na ang inang katulong sa pagbulag sa anak, na palalakihin sa alipusta at pag-ayop. Di na unang karunungan ang pagtungo ng ulo sa balang maling utos, dakilang kabaitan ang ngisi sa pagmura, masayang pang-aliw ang mababang luha.Napagkilala din ninyo na ang utos ng Diyos ay iba sa utos ng pari, na ang kabanalan ay hindi ang matagal na luhod, mahabang dasal, malalaking kuwintas, libaging kalmen, kundi ang mabuting asal, malinis na loob at matuwid na isip. Napagkilala rin ninyo na di-kabaitan ang pagkamasunurin sa anumang pita at hiling ng nagdidiyus-diyusan, kundi ang pagsunod sa katampata't matuwid, sapagka't ang bulag na pagsunod ay siyang pinagmumulan ng likong pag-uutos, at sa bagay na ito'y pawang nagkakasala. Di masasabi ng puno o pari na sila lamang ang mananagot ng maling utos; binigyan ng Diyos ang bawa't isa ng sariling isip at sariling loob, upanding mapagkilala ang liko at tapat; paraparang inianak ng walang tanikala, kundi malaya, at sa loob at kaluluwa'y walang makakasupil, bakit kaya ipaaalipin mo sa iba ang marangal at malayang pag-iisip? Duwag at mali ang akala na ang bulag na pagsunod ay kabanalan, at kapalaluan ang mag-isip-isip at magnilay-nilay. Ang kamangmanga'y kamangmangan, at di kabaita't puri. Di hiling ng Diyos, puno ng karunungan, na ang taong larawan niya'y paulol at pabulag; ang hiyas ng isip, na ipinalamuti sa atin, paningningin at gamitin. Halimbawa baga, ang isang amang nagbigay sa bawa't isang anak ng kani-kanyang tanglaw sa paglalakad sa dilim.  Paningasin nila ang liwanag ng ilaw, alagaang kusa, at huwag patayin, dala ng pag-asa sa ilaw ng iba, kundi magtulung-tulong, mag-sanggunian, sa paghanap ng daan.  Ulol na di hamak at masisisi ang madapa sa pagsunod sa ilaw ng iba, at masasabi ng Ama:  "Bakit kita binigyan ng sarili mong ilaw?" Nguni't di lubhang masisisi ang madapa sa sariling tanglaw, sapagka't marahil ang ilaw ay madilim o kaya'y totoong masama ang daan.

Ugaling panagot ng mga ibig mang-ulol, ay "palalo ang katiwala sa sariling bait," sa akala ko ay lalong palalo ang ibig sumupil sa bait ng iba, at papanatilihin sa lahat ang sarili. Lalong palalo ang nagdidiyus-diyusan, ang ibig tumarok ng balang kilos ng isip ng Diyos: at sakdal kapalaluan o kataksilan ang walang gawa kundi magbintang sa Diyos ng balang bukambibig, at maglapat sa kanya ng bala niyang nasa, at ang sariling kaaway ay gawing kaaway ng Diyos.  Di dapat naman tayong umasa sa sarili lamang; kundi magtanong, makinig sa iba, at saka gawin ang inaakalang lalong matuwid; ang abito o sutana'y walang naidaragdag sa dunong ng tao: magsapin-sapin man ang abito ng huli sa bundok, ay bulubundukin din, at walang nadaraya kundi ang mangmang at mahinang loob.  Nang ito'y lalong maranasan, ay bumili kayo ng isang abito sa San Francisco at isuot ninyo sa isang kalabaw. Kapalaran na kung pagkapag-abito ay hindi magtamad. Lisanin ko ito at dalhin ang salita sa iba.

Sa kadalagahang punlaan ng bulaklak na mamumunga'y dapat ang babae'y magtipon ng yamang maipapamana sa lálaking anak.  Ano kaya ang magiging supling ng babaeng walang kabanalan kundi ang magbubulong ng dasal, walang karunungan kundi awit, nobena at milagrong pang-ulol sa tao, walang libangang iba sa paghingi o magkumpisal kaya ng malimit ng muli't muling kasalanan? Ano ang magiging anak kundi sakristan, bataan ng kura, o magsasabong?  Gawa ng mga ina ang kalugamian ngayon ng ating mga kababayan, sa lubos na paniniwala ng kanilang puso, at sa malaking pagkaibig na ang kanilang anak ay mapakagaling. Ang kagulanga'y bunga ng pagkabata, at ang pagkabata'y nasa kandungan ng iba. Ang inang walang maituro kundi ang lumuhod at humalik ng kamay, huwag mag-antay ng anak na iba sa dungo o alipustang alipin. Kahoy na laki sa burak, daluro o pagatpat o panggatong lamang; at kung sakali't may batang may pusong pangahas, ang kapangahasa'y tago at gagamitin sa sama, paris ng silaw na kabag-kabag na di makapakita kundi pagtatakip-silim. Karaniwang panagot, ang una'y kabanalan at pagsinta sa Diyos. Nguni at ano ang kabanalang itinuro sa atin? Magdasal at lumuhod ng matagal, humalik ng kamay sa pari, ubusin ang salapi sa simbahan at paniwalaan ang balang masumpungang sabihin sa atin. Tabil ng bibig, lipak ng tuhod, kiskis ng ilong. Bagay na limos sa simbahang sangkalan ang Diyos, may bagay baga sa mundong di ari at likha ng Maykapal? Ano ang inyong sasabihin sa isang alilang maglimos sa kanyang panginoon ng isang basahang hiram sa nasabing mayaman? Sino ang taong di palalo at ulol, na maglilimos sa Diyos at mag-aakalang ang salanta niyang kaya ay makakabihis sa Lumikha ng lahat ng bagay? Pagpalain ang maglimos sa kapwa, tumulong sa may hirap, magpakain sa gutom; nguni at mapulaan at sumpain ang bingi sa taghoy ng mahirap, at walang binubusog kundi ang sandat, at inuubos ang salapi sa mga "frontal" na pilak, limos sa simbahan o sa prayleng lumalangoy sa yaman, sa misa de grasyang may tugtugan at paputok, samantalang ang salaping ito'y pinipiga sa buto ng mahirap at iniaalay sa panginoon ng maibili ng tanikalang panggapos, maibayad ng berdugong panghampas. O kabulagan at kaiklian ng isip! 

Ang unang kabanalan ay ang pagsunod sa matuwid, anuman ang mangyari. "Gawa at hindi salita ang hiling ko sa inyo," ani Kristo; "hindi anak ni Ama ang nagsasabing ulit-ulit ng "Ama ko, Ama ko," kundi ang nabubuhay alinsunod sa hiling ng aking Ama." Ang kabanala'y wala sa pulpol na ilong, at ang kahalili ni Kristo'y di-kilala sa halikang kamay. Si Kristo'y di humalik sa mga Pariseo, hindi nagpahalik kailan pa man; hindi niya pinataba ang mayayaman at palalong eskribas; wala siyang binanggit na kalmen, walang pinapagkuwintas, hiningan ng pamisa, at di napabayad sa kanyang pananalangin. Di napaupa si San Juan sa ilog ng Jordan, gayundin si Kristo sa kanyang pangangaral. Bakit ngayon, ang mga pari'y walang bigong kilos na di may hinging upa?  At gutom pa halos; nagbibili ng mga kalmen, kuwintas, korea at iba't iba pang pandaya ng salapi, pampasama sa kaluluwa; sapagka't kalminin mo man ang lahat ng basahan sa lupa, kuwintasin mo man ang lahat ng kahoy sa bundok, ibilibid mo man sa iyong baywang ang lahat ng balat ng hayop, at ang lahat ng ito'y pagkapaguran mang pagkurus-kurusin at pagbulung-bulungan ng lahat ng pari sa sandaigdigan, at iwisik man ang lahat ng tubig sa dagat, ay di-mapapalinis ang maruming loob, di-mapapatawad ang walang pagsisisi. Gayundin, sa kasakiman sa salapi'y maraming ipinagbawal, na matutubos kapag ikaw ay nagbayad, alin na nga sa di pagkain ng karne, pag-aasawa sa pinsan, kumpare at iba pa, na ipinapahintulot kapag ikaw ay sumuhol.  Bakit, nabibili baga ang Diyos at nasisilaw sa salaping paris nga ng mga pari?  Ang magnanakaw na tumubos ng "bula de composicion," ay makakaasa ng tahimik, na siya'y pinatawad: samakatwid ay ibig ng Diyos na makikain ng nakaw?  Totoo bagang hirap na ang Maykapal, na nakikigaya na sa mga "guarda," karabineros o "guardia civil?" Kung ito ang Diyos na sinasamba ng prayle, ay tumatalikod ako sa ganyang diyos.

Maghunus-dili nga tayo, at imulat natin ang mata, lalung-lalo na kayong mga babae, sapagka't kayo ang nagbubukas ng loob ng tao. Isipin, na ang mabuting ina ay iba sa inang nilalang ng prayle; dapat palakhin ang anak na malapit baga sa larawan ng tunay na Diyos, Diyos na di-nasusuhulan, Diyos na di-masakim sa salapi, Diyos na Ama ng lahat, na walang kinikilingan, Diyos na di-tumataba sa dugo ng mahirap, na di-nagsasaya sa daing ng naruruhagi, at nambubulag ng matalinong isip. Gisingin at ihanda ang loob ng anak sa balang mabuti at mahusay na akala; pagmamahal sa puri, matapat at timtimang loob, maliwanag na pag-iisip, malinis na asal, maginoong kilos, pag-ibig sa kapwa, at pagpipitagan sa Maykapal, ito ang ituro sa anak. At dahil sa ang buhay ay puno ng pighati't sakuna, patibayin ang loob sa ano mang hirap, patapangin ang puso sa ano mang panganib.  Huwag mag-antay ang bayan ng puri at ginhawa samantalang lugami at mangmang ang babaing magpapalaki ng anak.  Walang maiinom sa labo at mapait na bukal; walang matamis na bunga sa punlang maasim.
          

Malaki ngang di-bahagya ang katungkulang gaganapin ng babae, sa pagkabihis ng hirap ng bayan, nguni at ang lahat ng ito'y di-hihigit sa lakas at loob ng babaing Tagalog.  Talastas ng lahat ang kapangyarihan at galing ng babae sa Pilipinas, kaya nga kanilang binulag, ginapos, at iniyuko ang loob, panatag sila't habang ang ina'y alipin ay maaalipin din naman ang lahat ng mga anak.  Ito ang dahilan ng pagkalugami ng Asia; ang babae sa  Asia'y mangmang at alipin.  Makapangyarihan ang Europa at Amerika, dahil sa doon, ang babae'y maaya't marunong, dilat ang isip at malakas ang loob. Alam na kapos kayong totoo ng mga librong sukat pag-aralan; talastas na walang isinisilid araw-araw sa inyong pag-iisip kundi ang sadyang pambulag sa inyong bukal na liwanag; tanto ang lahat ng ito, kaya pinagsisikapan naming makaabot sa inyo ang ilaw na sumisilang sa kapwa ninyo babae dito sa Europa; kung hindi kayamutan itong ilang sabi, at pagdamutang basahin, marahil, makapal man ang ulap na nakakukubkob sa ating bayan, ay pipilitin ding mataos ng masanting na sikat ng araw, at sisikat kahit banaag man lamang. Di kami manlulumo kapag kayo'y katulong namin; tutulong ang Diyos sa pagpawi ng ulap, palibhasa'y siya ang Diyos ng katotohanan, at isasauli sa dati ang dilag ng babaeng Tagalog, na walang kakulangan kundi isang maayang sariling isip, sapagka't sa kabaita'y labis. Ito ang nasang lagi sa panimdim, na napapanaginip, ang karangalan ng babaeng kabiyak ng puso, at karamay sa tuwa o hirap ng buhay: kung dalaga, ay sintahin ng binata, di lamang dahilan sa ganda o tamis ng asal, kundi naman sa tibay ng puso, taas ng loob, na makabuhay baga at makapanghinapang sa mahina o naruruwagang lalake, o makapukaw kaya ng maririlag na pag-iisip; pag isang dalaga bagang sukat ipagmalaki ng bayan, pagpitaganan ng iba, sapagka't karaniwang sabi ng mga kastila at pari na nanggagaling diyan ang karupukan at kamangmangan ng babaeng Tagalog, na tila baga ang mali ng ilan ay mali na ng lahat, at anaki'y sa ibang lupa ay wala ng babaeng marupok ang loob, at kung sa bagay, maraming maisusurot sa mata ng ibang babae ang babaeng Tagalog. Gayun ma'y dala marahil ng kagaanan ng labi o galaw ng dila, ang mga kastila at pari pagbalik sa espanya'y walang unang ipinamamalabad, ipinalilimbag, at ipinagsisigawan halos, sabay ang halakhak, alipusta at tawa, kundi ang babaeng si gayon ay gayon, gayon sa kumbento, gayon sa kastilang pinatuloy, at iba't iba pang nakapagngangalit; sa tuwing maiisip, na ang karamihan ng mali ay gawa ng kamusmusan, labis na kabaitan, kababaan ng loob o kabulagan kayang kalalangan din nila. May isang kastilang ngayo'y mataas na tao na, pinakai't pinatuloy natin sa habang panahong siya'y lumigoy-ligoy sa Pilipinas. Pagdating sa espanya, ipinalimbag agad, na siya raw ay nanuluyang minsan sa Kapampangan, kumai't natulog, at ang maginoong babaeng nagpatuloy ay gumayo't gumayon sa kanya: ito ang iginanti sa napakatamis na loob ng babae. Gayon din ang unang pahili ng pari sa nadalaw na kastila, ay ang kanyang mga masunuring dalagang tagahalik ng kamay, at iba pang kahalo ang ngiti at makahulugang kindat. Sa librong ipinalimbag ni dn. sinibaldo de mas, at sa iba pang sinulat ng mga pari, ay nalalathala ang mga kasalanang ikinumpisal ng babae na di inililihim ng mga pari sa mga dumadalaw na kastila, at kung magkaminsan pa'y dinaragdagan ng mga kayabangan at karumihang hindi mapapaniwalaan.  Di ko maulit dito ang mga di-ikinahiyang sinabi ng isang prayle kay mas na di nito mapaniwalaan.  Sa tuwing maririnig o mababasa ang mga bagay na ito'y itinatanong namin kung Santa Maria kaya bagang lahat ang babaeng kastila, at makasalanan na kaya baga ang lahat ng babaeng Tagalog; nguni kung sakali't magsusumbatan at maglalatlatan ng puri'y marahil... Datapwa't lisanin ko ang bagay na ito sapagka't di ako paring "confesor" o manunuluyang kastila, na makakapanira ng puri ng iba. Itabi ko ito at ituloy sambitin ang katungkulan ng babae.ang gumagalang sa babaeng para ng Pilipinas, dapat nilang kilanlin ang tunay na lagay upang magampanan ang sa kanila'y iniaasa. Ugaling dati'y kapag nanliligaw ang nag-aaral na binata ay ipinanganganyayang lahat, dunong, puri't salapi, na tila baga ang dalaga'y walang naisasabog kundi ang kasamaan. Ang katapang-tapanga'y kapag napakasal ay nagiging duwag, ang duwag na datihan ay nagwawalang-hiya, na tila walang inaantay kundi ang mag-asawa, para maipahayag ang sariling karuwagan. Ang anak ay walang pantakip sa hina ng loob kundi ang alaala sa ina; at dahilan dito, nalunok ng apdo, nagtitiis ng tampal, nasunod sa lalong hunghang na utos, at tumutulong sa kataksilan ng iba sapagka't kung walang natakbo'y walang manghahagad, kung walang isdang munti'y walang isdang malaki. Bakit kaya baga di humiling ang dalaga sa iibigin ng isang marangal at mapuring ngalan, isang pusong lalakeng makapag-aampon sa kahinaan ng babae, isang marangal na loob na di papayag magkaanak ng alipin? Pukawin sa loob ang sigla at sipag, maginoong asal, mahal na pakiramdam, at huwag isuko ang pagkadalaga sa isang mahina at kuyuming puso.  Kung maging asawa na, ay dapat tumulong sa lahat ng hirap, palakasin ang loob ng lalake, humati sa panganib, aliwin ang dusa, at aglahiin ang hinagpis, at alalahaning lagi na walang hirap na di mababata ng bayaning puso, at walang papait pang pamana sa pamanang kaalipustaan at kaalipinan. Mulatin ang mata ng anak sa pag-iingat at pagmamahal sa puri, pag-ibig sa kapwa, sa tinubuang-lupa, at sa pagtupad ng ukol. Ulit-uliting matamisin ang mapuring kamatayan sa alipustang buhay.  Ang mga babae sa Esparta'y sukat kunang uliran at dito'y ilalagda ko ang ilang halimbawa: Nang iniaabot ng isang ina ang kalasag sa papasa-hukbong anak, ay ito lamang ang sinabi:  "ibalik mo o ibalik ka," ito nga, umuwi kang nanalo o namatay ka, sapagka't ugaling iwaksi ang kalasag ng talong natakbo o iniuwi kaya ang bangkay sa ibabaw ng kalasag.  Nabalitaan ng ina na namatay sa laban ang kanyang anak, at ang hukbo ay natalo.  Hindi umimik kundi nagpasalamat, dahil at ang kanyang anak ay naligtas sa pula; nguni't ang anak ay bumalik na buhay; nagluksa ang ina ng siya'y makita.  Sa isang sumasalubong na ina sa mga umuwing galing sa laban, ay ibinalita ng isa na namatay daw sa pagbabaka ang tatlo niyang anak.  "Hindi iyan ang tanong ko," ang sagot ng ina, "kundi, nanalo ba o natalo tayo?" "Nanalo," ang sagot ng bayani.  "Kung ganoo'y magpasalamat tayo sa Diyos," ang wika, at napasa-simbahan.

            Minsa'y nagtago sa simbahan ang isang napatalong hari nila sa takot sa galit ng bayan; pinagkaisahang kulungin siya roon at patayin sa gutom.  Nang papaderan ang pinto'y ang ina ang unang naghakot ng bato.  Ang mga ugaling ito'y karaniwan sa kanila, kaya nga't iginalang ng buong Gresya ang babaing Esparta.  "Sa lahat ng babae," ang pula ng isa, "ay kayo lamang na taga-Esparta ang nakapangyayari sa lalake."  "Mangyari pa," ang sagot ng taga-Esparta, "sa lahat ng babae ay kami lamang ang nag-aanak ng lalake."  Ang tao, ang wika ng mga taga-Esparta, ay hindi inianak para mabuhay sa sarili, kundi para sa kanyang bayan.  Habang nananatili ang ganitong mga isipan at ganitong mga babae, ay walang kaaway na nakatuntong ng lupang Esparta, at walang babaing taga-Esparta na nakatanaw ng hukbo ng kaaway.

            Di ko inaasahang paniwalaan ako, alang-alang lamang sa aking sabi:  maraming taong di-matingin sa katwiran at ito'y siyang tunay, kundi sa abito, sa puti ng buhok, o kakulangan ng ngipin.  Nguni't kung ang katandaa'y iginagalang sa pinagdaanang hirap, ang pinagdaanan kong buhay na inihain sa ikagagaling ng bayan, ay makapagbibigay sa akin ng katandaan kahit na maikli.  Malayo ako sa pagpapasampalataya, pagdidiyus-diyusan, paghalili kaya sa Diyos, paghahangad na paniwalaa't pakinggang pikit-mata, yuko ang ulo at halukipkip ang kamay; nguni't ang hiling ko'y  mag-isip, magmulay-mulay ang lahat, usigin at salain kung sakali sa ngalan ng katwiran itong pinaninindigang mga sabi:

            Una.  Ang ipinagiging taksil ng ilan ay nasa karuwagan at kapabayaan ng iba.

            Ikalawa.  Ang iniaalipusta ng isa ay nasa kakulangan ng pagmamahal sa sarili at nasa kalabisan ng pagkasilaw sa umaalipusta.

            Ikatlo.  Ang kamangmanga'y kaalipinan, sapagka't kung ano ang isip ay ganoon din ang tao:  taong walang sariling isip, ay taong walang pagkatao; ang bulag na tagasunod sa isip ng iba, ay parang hayop na susunod-sunod sa tali.

            Ikaapat.  Ang ibig magtago ng sarili, ay dapat tumulong sa iba upang magtago ng kanila, sapagka't kung pababayaan mo ang iyong kapwa ay pababayaan ka rin naman:  ang isa-isang tingting ay madaling baliin, nguni't mahirap ang isang bigkis na walis.

            Ikalima.  Kung ang babaeng Tagalog ay di-magbabago, ay hindi dapat magpalaki ng anak, kundi gawing pasibulan lamang; dapat alisin sa kanya ang kapangyarihan sa bahay, sapagka't kung hindi'y ipagkakanulong walang malay ang asawa, anak, bayan at lahat.

            Ikaanim.  Ang tao'y inianak na paris-paris, hubad at walang tali.  Di nilalang ng Diyos upang maalipin, di binigyan ng isip para pabulag, at di hiniyasan ng katwiran upang maulol ng iba.  Hindi kapalaluan ang di-pagsamba sa kapwa-tao, ang pagpapaliwanag ng isip at ang paggamit ng matuwid sa anumang bagay.  Ang palalo'y ang napasasamba, ang bumubulag sa iba, at ang nais papanaigin ay ang kanyang ibig sa matuwid at katampatan.

            Ikapito.  Liningin ninyong magaling kung ano ang relihiyong itinuturo sa atin.  Tingnan ninyong mabuti kung iyan ang utos ng Diyos o ang pangaral ni Kristo na panlunas sa hirap ng mahirap, pang-aliw sa dusa ng nagdurusa.  Alalahanin ninyo ang lahat ng sa inyo'y itinuturo, ang pinatutunguhan ng lahat ng sermon, ang nasa ilalim ng lahat ng misa, nobena, kuwintas, kalmen, larawan, milagro, kandila, korea at iba't iba pang iginigiit, inihihiyaw at isinusurot araw-araw sa inyong loob, tainga at mata, at hanapin ninyo ang puno at dulo, at saka iparis ninyo ang relihiyong iyan sa malinis na relihiyon ni Kristo; at tingnan ninyo kung hindi ang inyong pagka-Kristiyano ay paris ng inaalagaang gatasang hayop, o paris ng pinatatabang baboy kaya, na di pinatataba alang-alang sa pagmamahal sa kanya, kundi maipagbili ng lalong mahal upang lalong masalapian.

            Magbulay-bulay tayo, malasin ang ating kalagayan, at tayo'y mag-isip-isip kung itong ilang buhaghag na sabi'y makakatulong sa ibinigay sa inyong bait, upang maituloy ang nasimulan ninyong paglakad.

            Tubo ko'y dakila sa puhunang pagod, at mamatamisin ang anumang mangyari, ugaling upa sa sino mang mangahas sa ating bayang magsabi ng tunay.  Matupad nawa ang inyong nasang matuto at harinangang sa halamanan ng karununga'y huwag makapitas ng bungang bubot, kundi ang kikitli'y piliin, pag-isipin muna, lasapin bago lunukin, sapagka't sa balat ng lupa, lahat ay haluan, at di-bihirang magtanim ang kaaway ng damong pansira, kasama sa binhi sa gitna ng linang.

         

   Ito ang matinding nasa ng inyong kababayang si Jose Rizal.