KADE-KADENANG trahedya ang tumama sa Japan. Lindol. Tsunami. Lamig. Nuclear plant radiation fallout. Kakapusan ng tubig, pagkain at gamot. Kawalan ng kuryente, sasakyan at komunikasyon. Pero kung tutuusin konti lang ang namatay at malubhang nasugatan sa kanila. Ito’y dahil malumanay at disiplinado ang tugon nila sa sakuna. At bakit gan’un ang naging kaisipan nila? Kasi matagal na at malimit silang nag-e-ensayo para sa sakuna. Alam na nila — bata, matanda, babae, lalaki — kung ano ang kani-kanilang gagawin.
Dapat pamarisan ang asal ng Hapones. Hindi puwede ang Bahala-Na attitude ng mga Pilipino. Dapat salubungin natin ng pagsasanay ang natural at man-made disasters. Taun-taon tayo tinatamaan ng dalawang dosenang bagyo. Dulot nito ang baha at mudslides. Tuwing Marso 500 sunog ang naitatala ng mga bumbero. Maraming nawawalan ng tirahan, at naiimpekta sa sugat-sunog. Halos 400 lindol ang rumerehistro sa seismographs araw-araw. Bagamat karamihan ay sobrang hina, mapag-pinsala ang ilang malalakas. Nagbubunsod ng pagtumba ng kabahayan at gusali.
Dalawa ang obvious na dapat gawin. Sa natural disasters, dapat planuhin natin ang mga tamang hakbang. Sa man-made disasters — sunog, banggaan sa kalye o dagat, atbp. — dapat mag-ingat na iwasan. Kailangan ng regular na earthquake, fire at flood drills sa mga opisina, pabrika, paaralan, barangay, at bahay. Bawat pamilya ay dapat magtabi ng first-aid kit.
Tungkulin pamunuan ang mga ito ng barangay officials, school principals, office at factory managers, at padre/madre de pamilya. Kumbaga sa Boy Scout, dapat Laging Handa.
Original article: Magsanay na tayo para sa sakuna
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento